KALIBO, Aklan – Halos 80 porsiyento ng mga miyembro ng Muslim community sa isla ng Boracay ang nagsilikas na pauwi sa Mindanao dahil sa kawalan ng hanapbuhay sa isla.
Ayon kay Muamar “Faisal” Arumpac, pangulo ng Boracay Muslim Association na simula noong Oktubre 5, sinimulan ang pag-repatriate sa kanilang mga kasamahan sa tulong ng Office of Civil Defense – Western Visayas pauwi sa Lanao del Norte, Lanao del Sur at Misamis Oriental.
Mula aniya sa 3,000 mga miyembro, nasa 500 mga residente na lamang ang natitira sa Muslim community sa Sitio Ambulong, Barangay Manocmanoc.
Sampung porsiyento dito ay mga batang nag-aaral.
Karamihan sa mga Muslim sa isla ay nagbebenta ng mga souvenir items, alahas at damit para sa mga turista.
Dagdag pa ni Arumpac na kahit binuksan na ang Boracay sa mga turista mula sa iba pang bahagi ng bansa noong Oktubre 1, kakaunti pa lamang ang mga bisitang pumapasok kumpara sa 3,000 hanggang 5,000 bawat araw na turista bago nanalasa ang corovirus pandemic.