-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Mas lumawak pa ang kaalaman at kakayahan ng mga kasapi ng Kidapawan City Overseas Filipino Worker Federation, Inc. o KCOFWFI sa larangan ng negosyo at pagpapalago ng income-generating projects.

Bago lang ay ginanap ang Entrepreneurial, Mind Setting, Financial Literacy and Simple Bookkeeping Training ngayong araw na ito na ibinigay ng Department of Trade and Industry o DTI 12 sa pakikipagtulungan ng Public Service Employment Office o PESO ng Kidapawan na nagbigay ng Values Formation lecture.

Abot sa 39 na mga dating OFW ang lumahok sa naturang training na sa kasalukuyan ay may maliit na negosyong pangkabuhayan at nais na palaguin ito sa pamamagitan ng angkop na kasanayan o training.

Si DTI Junior Business Counselor Edbralen Shekina Ancheta (Negosyo Center Kidapawan) ang nagbigay ng lecture sa Entrepreneurial, Mind Setting, Financial Literacy and Simple Bookkeeping kasama si Kaye Jamero mula sa LGU Kidapawan.

Si Peso Manager Herminia Infanta naman ang nagbahagi ng kaalaman patungkol sa Values Formation na isa ring mahalagang bahagi ng pagsasanay.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni KCOFWFI President Andrea J. Alvarez si City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista sa patuloy na pagbibigay ng suporta at inspirasyon sa pamamagitan ng PESO Kidapawan at iba mga ahensiya ng pamahalaan na direktang tumutulong sa kanila tulad ng DTI.

Pinasalamatan din ng KCOFWFI ang Mt. Apo Eagles Club na una ng nagsagawa ng proyektong “Tulong Puso” para sa mga distressed OFW mula sa Kidapawan City at naging aktibong partner sa nabanggit na training.