LEGAZPI CITY – Nakauwi na sa kanya-kanyang lugar ang mga indibidwal na panasamantalang kinupkop ng Philippine Army sa Bicol matapos na mapigil ang biyahe ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine sa Luzon dahil sa coronavirus disease.
Nasa mahigit 70 ang mga ito na karamihan ay papuntang Masbate at Mindanao.
Ayun kay 9th Division Public Affairs Office (DPAO) chief Capt. John Paul Belleza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, wala namang nakitaan ng sintomas ng COVID-19 sa mga ito.
Inihatid pa ang mga indibidwal sa pantalan ng Masbate habang may ipinadala namang sasakyan ang mga nakakasakop na lokal na pamahalaan para sa mga papunta sa Mindanao.
Nakarating na rin ang ilan sa mga ito sa home province habang nasa biyahe pa ang iba.
Samantala, tiniyak ni Belleza na isinasailalim din sa quarantine ang mga indibidwal na itinatalaga sa mga quarantine control points para maporktektahan rin ang kalusugan ng mga ito.
Matapos ang pagkadetalye sa isang lugar, isinasailalim ang mga ito sa quarantine at sakaling lubos na matiyak ang kalagayan saka na ibabalik ulit.
Hangad din nito na walang magpositibong sundalo sa Bicol sa nasabing virus.