Nadagdagan pa ang bilang ng mga indibidwal na naapektuhan sa pag-aalburuto ng bulkang Taal sa nakalipas na mga araw.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 7,237 katao ang mga naapektuhan ng nasabing pagsabog ng bulkan noong Sabado.
Katumbas ito ng nasa 2,047 na mga pamilya mula sa Calabarzon at tinatayang nasa 20 lunsod at munisipalidad, kabilang na ang 18 pang mga baranggay ang naapektuhan dito.
Sa ngayon ay nasa 6,117 na mga indibidwal na ang nakalikas at kasalukuyang nasa mga evacuation centers ngayon at nakataas pa rin ang Alert Level 3 ang naturang bulkan.
Samantala, sa pinagsama-sama namang tulong ng provincial government ng Batangas, mga local government units, at Department of Health (DOH) ay nakapamahagi na rin ng tulong pinansyal na nagkakahalaga sa P1.23 milyon para sa mga indbidwal na naapektuhan nito.