-- Advertisements --

Arestado ang ilang indibidwal na miyembro umano ng isang big-time drug syndicate sa magkahiwalay na malakihang buy-bust operations sa mga lungsod ng Muntinlupa at Makati nitong Biyernes ng tanghali na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP Drug Enforcement Group (PDEG).

Kinilala ni PDEA chief Aaron Aquino ang tatlong Pinoy na pinaghihinalaang mga drug courier na naaresto sa Ayala, Alabang na sina Norodian Guimadel Samlidan, 28; Lady Jane Flores Borja, 24; at Regina Inocensia San Miguel, 40.

Nasa 10 kilos ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga operatiba ng PDEA at PDEG sa kanilang pag-aari na may market value na pumapatak ng P50-milyon.

Sa follow-up operation ng PDEA at PDEG, hinuli ang isang Chinese na umano’y isang drug lord at supplier ng droga ng tatlong Pinoy sa may bahagi ng Chino Roces Avenue, Makati City.

Nakumpiska sa naarestong Chinese na nakilala lamang sa pangalang “Mr. Lin” ang dalawang kilong shabu na may market value na P10-milyon.

Kinumpirma ni Aquino na isang taon nang nag-ooperate ang dalawang babae kung saan nagde-deliver ang mga ito ng iligal na droga.

Pahayag ng opisyal na may koneksiyon ang dalawang operasyon kung saan iisang grupo lamang umano ang mga ito at miyembro ito ng isang malaking drug syndicate na nago-operate sa bansa.

Tinukoy din ni Aquino na isang “Yang Antuan” o kilala sa pangalang “Lee Kong Pen” ang siyang drug lord at pinagmulan ng iligal na droga na ipinagpatuloy ni Mr. Lin.

Paniwala ni Aquino, ang nasabing mga droga ay ini-smuggle umano sa labas ng bansa dahil nahihirapan na ngayon ang mga ito na magluto ng shabu sa Pilipinas dahil sa pinalakas na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal drugs, lalo na sa mga shabu laboratory.

Ibinunyag din ni Aquino na ang mga bansa gaya ng Myanmar at North Korea ang nagtatangka ngayong mag-smuggle ng illegal drugs sa bansa.