Nadagdagan pa ang bilang ng mga indibidwal na inaresto ng Philippine National Police (PNP) dahil paglabag ng mga ito sa ipinapatupad na gun ban sa buong bansa.
Batay sa pinakahuling datos ng PNP, umabot na sa 567 ang bilang ng mga gun ban violators na kanilang naaresto.
Nahuli ang 20 sa mga ito noong Lunes sa Metro Manila, Central Luzon, Davao, Cagayan Valley, Bicol, Calabarzon, at sa Western at Central Visayas.
Sa kaparehong araw ay nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa kabuuang 21 mga baril, siyam na deadly weapons, at 71 bala.
Magugunita na noong Enero 9 sinimulan ang pagpapatupad ng gun ban sa bansa na magtatagal naman hanggang sa pagtatapos ng panahon ng halalan sa pagsapit ng buwan ng Hunyo 8, 2022.
Ipinagbabawal sa ilalim ng Comelec Resolution 10728, ang pagdadala ng baril sa labas ng bahay, lisensyado man o hindi, maliban na lamang kung nabigyan ng exemption ito ng mga kinauukulan at mahaharap sa isa hanggang anim na taong pagkakakulong ang sinumang mahuling lumabag dito.