Nakatakda na ring ipadala sa Marawi City ang mga police scalawags na naaresto ng Philippine National Police (PNP)-Counter Intelligence Task Force (CITF).
Ito ang kinumpirma ni PNP chief police director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon sa PNP chief, kinakailangan ng dagdag pwersa sa Marawi dahil nagpapatuloy pa ang operasyon ng militar laban sa teroristang Maute Group.
Paliwanag ni Dela Rosa, nais din niyang ipakita ng mga police scalawags ang kanilang galing sa pangggantso sa kapwa at kung uubra ito sa Marawi.
Umaasa si Dela Rosa na sa oras na maipadala na sa Marawi city ang mga police scalawags, mabibigyan sila ng pagkakataon na ma-rehabilitate ang kanilang sarili at magbagong buhay na ang mga ito.
Sa ganitong paraan aniya, maipakikita na ng police scalawags ang matino, walang kotong, walang kalokohan, at sinserong pagbibigay serbisyo sa publiko.
Batay sa talaan ng CITF, 31 police scalawags na ang kanilang naaaresto at nahahaharap sa kasong administratibo.