Patuloy pa rin ang pagdami ngayon ng mga nabibiktima ng ‘love scam’ habang papalapit na ang buwan ng Pebrero.
Hindi umano kasi mapigilan ang mga naitatalang biktima sa online ng naturang scam na mas tumataas sa pagpasok ng bagong buwan.
Bagama’t buong taon naman ay may naitatalang kaso ng love scam, ayon sa tagapagsalita ng Department of Information and Communications Technology na si Spokesperson Renato Paraiso, mas tumitindi umano ito lalo sa buwan ng Pebrero.
Kung saan, ibinahagi ng tagapagsalita ng kagawaran na kada-araw ay mayroong ’15’ naitatalang bilang ng mga nabibiktima sa ganitong uri ng pangloloko.
Paliwanag niya, ang pagkahilig ng karamihan sa mga Pilipino na mag-post online ay isa sa mga tinitingnan rason kung bakit may mga nadadala sa love scams.
Dahil dito, nagbigay ng babala si Spokesperson Renato Paraiso na mag-ingat sa mabilis na pag-usad ng mga relasyon sa mga nakakausap sa dating applications na ginagamit.
Kaugnay pa rito, sinabi din niyang kadalasan sa mga nabibiktima ay mga senior citizens.
Ayon sa kanya, hindi kasi ganun na maalam ang mga matatanda pagdating sa paggamit ng social media kaya nagiging biktima o target lalo ng mga scammers.