-- Advertisements --

Ibinunyag ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na malayo pa sa 100 percent ng mga miyembro nila ang nabigyan ng fuel subsidy mula sa pamahalaan.

Ayon kay Boy Rebaño, ang National President ng (FEJODAP), 30 percent pa lang sa kanilang mga miyembro ang nabigyan ng fuel subsidy kasunod ng ilang serye ng price hikes sa mga nakalipas na buwan.

Kasabay nito ay kanya ring pinuna ang aniya’y maraming butas sa pamamahagi ng fuel subsidy na ito.

Isa na rito ang pagtanggi ng mga dating operator na makipagtulungan sa mga bagong operator.

Lumalabas aniya na ang mga dating operator pa rin ang nakakatanggap ng subsidy at hindi nila ito ibinibigay sa mga driver dahil sa ngayon ay wala na silang empleyado.

Kaya nakikiusap rin sila sa pamahalaan na tutukan din ang isyu na ito sapagkat hindi napupunta sa mga nangangailangan ng ayuda ang programang nakalaan para sa kanila.

Bukod dito, umaapela ulit sila na kung maaari ay madagdagan ang P6,500 na fuel subsidy.

Mababatid na kahapon inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang temporary suspension ng fuel subsidy dahil sa spending ban ng Commission on Elections kaugnay sa nalalapit na halalan.