Dapat na parusahan nang husto ang mga katulad ni suspended Bamban Mayor Alice Guo na nag-aakalang mabibili ang pagiging Pilipino.
Ito ang naging matapang na pahayag ni Senator Sherwin Gatchalian kasunod ng pag-kumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na tumugma ang fingerprints ng suspendidong alkalde sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping na posibleng tunay na pagkakakilanlan ng alkalde.
Aniya, ang magkatugmang fingerprints na kinumpirma ng National Bureau of Investigation ay nagpapatunay sa matagal na nilang hinala na si Alice Guo at Guo Hua Ping ay iisa at ito ay Chinese national.
Gayundin, patunay din ang magkatugmang fingerprints at mga dokumentong hawak ng Special Investor Residence Visa na si Lin Wen Yi ang tunay na ina ni Guo na una ng sinabi ng alkalde na kinakasama at isang business partner lang umano ng kaniyang amang Chinese.
Sinabi din ng Senador na ang mga rekord mula sa Bureau of Immigration na nagpapakita ng kanilang mga biyahe nang magkasama ay isang hindi maikakailang ebidensiya ng kaniyang panlilinlang at panloloko para sa kasuklam-suklam na hangarin.
Kayat hindi dapat aniya na balewalain ang mockery ni Guo Hua Ping sa batas ng Pilipinas at dapat na panagutin sa lalong madaling panahon.
Pinasalamatan din ng Senador ang NBI, Board of Investment, PAOCC, at iba pang mga ahensiya ng gobyerno sa pagbibigay ng mga impormasyon na kailangan at pagsuporta sa paghangad ng hustisya at katotohanan.
Hindi din umano sila titigil hanggang sa wala nang iba pang mga “Alice Guo” ang makalulusot at makatatakas sa ating batas.