Nilinaw ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi na kinakailangan pang mag-reapply sa VaxCertPH ang mga inibidwal na nagregister dito bago ang Pebrero 7.
Sinabi ni DICT Secretary Emmanuel Rey Caintic na kinakailangan na lamang na mag-regenerate ang mga ito ng kanilang data at QR code sa VaxCertPH.
Ang mga indibidwal na mayroon ng dating Vaxcert.ph certificate ay kinakailangan na lamang na mag-log in sa Vaxcert.doh.gov.ph at mag-fill up ng kanilang pangalan, at date of vaccination para makakuha pa ang mga ito ng panibagong certificate.
Paliwanag niya, nagsagawa kasi ng update ang kagawaran sa database nito kung saan ay dinagdagan pa ito ng security features, at iba pang impormasyon tulad ng booster, pediatric vaccination, at linkage ng upcoming european union dahilan kung bakit hindi na muling gagana pa ang lumang QR code ng mga ito.
Ayon pa kay Caintic, ito ay bilang paghahanda na rin para sa compatibility sa ibang mga bansang gumagamit nito.
Sa ngayon ay nasa 39 na mga bansa na ang kumikilala sa VaxCertPH na kinabibilangan ng Australia, Canada, United States, Hong Kong, India, United Kingdom, at Singapore.
Samantala, tiniyak naman Caintic na ang naturang system upgrade ay patuloy na sumusunod sa certificate issuance standards ng World Health Organization.