-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Nagbanta si National Bureau of Investigation (NBI) SarDO Agent Regner Pineza na kanilang aarestuhin ang sino mang lalabag at patuloy na mananawagan para maglagay ng pondo sa KAPA (Kabus Padatoon).

Makikita kasi umano sa Facebook page ng mga supporter ng KAPA na ibalik muli ang operasyon nito kahit pa ipinasara na ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos sinabi na gumagawa ng “continuing crime.”

Ayon kay Pineza, dinala na sa Manila ang lahat ng ebidensya na nakuha sa pag-raid ng NBI sa mga investment scam sa lungsod at sa Alabel Sarangani Province.

Magpapatuloy aniya ng imbestigasyon hanggang maiakyat ang kaso sa korte.

Inamin pa ng NBI official na gusto man nilang hulihin si KAPA founder Joel Apolinario subalit huli na nang matunugan nila na dumating ito ng GenSan subalit tatlo hanggang 15 minuto lamang itong nakipag-usap sa mga supporter at agad lumipad.

Pinaliwanag din nito ang search warrant na ginamit dahil lumabag umano ang KAPA sa security code ayon sa Securities and Exchange Commission.

Sa kasalukuyan, wala pa namang “continuing crime” na ginawa ang KAPA Ministry International Inc., dahil nahinto ang operasyon ngunit kung mamimilit ay maaaring kasuhan na ang mga supporter sa pamamagitan ng warrantless arrest.

Dagdag pa nito na bukas ang kanilang tanggapan para sa mga biktima ng investment scam na KAPA.