KALIBO, Aklan — Mainit na sinalubong ng Department of Tourism at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Aklan at Kalibo ang halos 187 na Chinese nationals na mula sa Changsha, China na dumating sa Kalibo International Airport.
Ito ang unang batch ng mga nagbabalik na Chinese tourists sa Aklan matapos na buksan ng China ang border ng bansa nito para sa outbound group travel matapos isara noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.
Sakay ang mga ito ng OKAir at magbabakasyon sa Isla ng Boracay.
Ayon kay Engr. John William Fuerte, manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan, ang naturang airline company ay may tatlong flight bawat linggo.
Asahan aniya na madadagdagan pa ang mga direct flights mula sa China, Korea at Taiwan.
Kinumpirma pa ni Engr. Fuerte na nagsumite na rin ng proposal ang Philippine Airlines para sa pagbabalik ng kanilang direct flight mula sa Beijing papuntang Kalibo sa Hunyo.
Dagdag pa nito na malaking tulong sa ekonomiya ng Aklan ang muling pagbabalik ng mga turistang Chinese sa Boracay.
Pinangunahan ng DOT at mga lokal na opisyal ang pamimigay ng token at freebies sa mga turista.
Sinalubong ang mga ito ng Ati-Atihan tribe sa mismong arrival lobby kung saan todo enjoy ang mga turista sa pagpa-litrato sa mga Ati-Atihan warriors.
Masaya naman ang mga bakasyunistang Chinese national na muling nakabalik sa Pilipinas lalo na sa bantog na isla.