-- Advertisements --

Hahabulin din ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga indibidwal na nagbabanta kay Vice President Leni Robredo sa social media.

Ayon kay Nick Suarez, hepe ng public information office ng NBI, tinutunton na rin ng mga agents ang mga social media users na binabantaan si Robredo.

Hindi naman maibigay sa ngayon ni Suarez ang kasalukuyang status ng mga kaso.

“I understand it is with the investigative and regional operations services,” wika ni Suarez.

Una nang sinabi ni NBI Director Eric Distor na seryoso umano ang ahensya sa pagtupad sa kanilang mandato.

Matapos dakpin ng NBI ang isang guro na umano’y nag-alok ng P50-milyong pabuya para sa sinumang makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte, hiniling naman ng mga netizens sa ahensya na hulihin din ang mga social media users na nagbabanta sa bise presidente.

Nahaharap ngayon sa reklamong inciting to sedition in relation to cybercrime at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials ang nasabing guro, na humingi na rin ng tawad sa kanyang ginawa.