Nanawagan si Quezon City Rep. Precious Castelo sa mga otoridad na arestuhin ang mga nagbebenta at nagho-hoard ng face masks, alcohol at personal protective equipment (PPE).
Apela ito ni Castelo matapos na ireklamo ng mga opisyal ng Lung Center of the Philippines na ang kada piraso ng PPE na nagkakahalaga lamang ng P500 ay ibinibenta na sa ngayon ng aabot ng hanggang P3,000 sa blackmarket.
“Overpricing, profiteering and hoarding at this time of public health emergency, which President Duterte has declared, are illegal acts. The authorities should arrest profiteers and hoarders, and seize their products,” ani Castelo.
Dapat aniya habulin ng Department of Trade and Industry, Bureau of Customs at local government units (LGUs) ang mga traders na nagbebenta ng overpriced PPEs.
Iginiit ng kongresista na base sa reklamo ng mga opisyal ng Lung Center of the Philippines na malinaw na available ang bibilhin sana nilang PPEs subalit anim na beses na mas malaki ang presyo na nito sa ngayon kumpara nang wala pang krisis bunsod ng COVID-19.
Kaya marapat lamang aniya na arestuhin at kumpiskahin ang mga overpriced PPEs na ito at i-donate ng gobyerno sa mga ospital na nangangailangan.
Bukod kasi sa Lung Center, nagrereklamo na rin ang Philippine General Hospital sa kakulangan nang magagamit na PPEs tulad ng protective suits.