Nagbabala si Cavite Gov. Jonvic Remulla na maaaring damputin ang sinumang mahuhuling nagbi-videoke kahit na dis-oras na ng gabi sa kanilang probinsya dahil sa paglabag sa curfew.
Una nang nagpatupad ng 8PM hanggang 5AM na curfew sa lalawigan, para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Remulla, hindi lamang ang pag-iwas sa pagkakalat ang layunin ng curfew kundi masiguro rin na nakakatulog nang maayos ang mga residente ng lalawigan at mapanatiling malakas ang kanilang immune system.
“Sorry po ngunit kahit sabihin ninyo pang kayo ay nasa loob naman ng inyong tahanan, ang ingay na dulot nito ay maituturing na labag na sa tinakdang curfew hours,” wika ni Remulla.
Dadaanin daw muna sa pakiusap ang mga pasaway na residenteng tigilan na ang paggamit ng videoke.
Ngunit kung tumanggi ang mga ito ay puwede raw kasuhan at dalhin kaagad sa presinto.
“Kung kayo ay lasing, lagpas sa dami ng kainuman at mahigit sa lahat ay labag ang inyong pagliliwaliw sa oras, puede kayong kasuhan at dalhin sa presinto on the spot,” dagdag nito.
Ang mga reklamo tungkol sa maingay na kapaligiran ay maaari raw itawag sa police hotline 0916 986 0679.