-- Advertisements --

Inakusahan ni Vice President Sara Duterte ang kasalukuyang administrasyon ng pagsunod sa parehong “playbook” na ginamit laban sa pinatalsik na si dating Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Kasunod ito ng subpoena na inisyu laban sa kaniya para sa umano’y paglabag sa Anti-Terrorism Act.

Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos maglabas ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kaniya kaugnay ng umano’y utos ng pagpatay na ginawa niya laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez.

Sinabi ng Pangalawang Pangulo na ang layunin ng administrasyon sa paggamit ng nasabing batas laban sa kaniya ay upang gayahin ang ginawa nila kay Teves, na inakusahang pumatay kay Gov. Roel Degamo.

“Natatawa ako sa violations on the anti-terror law, kasi sinusubukan nila i-reach ang aking properties and assets, kasi itong violation ng anti-terror law ginawa nila ito kay Cong. Arnie Teves. So they have a playbook on what you do to a person na kakasuhan mo ng anti-terror law,” sabi ni Duterte.


Ayon kay Duterte, kasama sa mga taktikang ito ang pagkansela ng kanyang pasaporte; pag-isyu ng red notice laban sa kaniya upang limitahan ang kaniyang paglalakbay sa ibang bansa; pag-freeze ng mga assets ng Anti-Money Laundering Council; at pag-isyu ng mga search warrant laban sa kanya.

“So ibig sabihin, babalik pa rin tayo doon: this is clearly oppression and harassment for remarks na pinipilit nila i-take out of its logical context,” dagdag pa ni Duterte.