LEGAZPI CITY- Itinuturing na magandang indikasyon para sa sektor ng agrikultura ang patuloy na pagdami ng mga nagkaka interes sa pagsasaka sa Bicol region.
Ito ay sa kabila ng mga ulat mula sa ilang mga rehiyon sa bansa na tinatalikuran na ng ilang magsasaka ang naturang hanapbuhay dahil sa pagkalugi.
Ayon kay Department of Agriculture Bicol Spokesperson Lovella Guarin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, patuloy na dumarami ang mga nakikilahok sa Young Farmers Challenge Program, na isang programa na ipinapatupad ng tanggapan sa pakikipagtulungan sa opisina ni Senator Imee Marcos.
Katunayan, nasa 49-anyos na aniya ang average na edad ng mga magsasaka sa rehiyon na nakalista sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture.
Dagdag pa ng opisyal na nasa 230 na mga magsasaka ang naging young farmers awardees sa buong Bicol region at nabigyan ng capital grant na naging daan upang makapagtayo ng nasa 122 enterprises.
Dahil dito, sinabi ni Guarin na nagbubunga ang paghikayat nila sa mamamayan na ma-engage sa pagsasaka dahil sa sapat na ayuda na naibibigay ng pamahalaan.
Samantala, bumuo rin ang tanggapan ng ‘Mentor Me Academy’ na tumutulong sa paggawa ng project proposal ng mga magsasaka upang mas mabilis na mabigyan ng pondo.