KALIBO, Aklan – Patuloy ang paglobo ng bilang ng mga nagkakasakit ng dengue sa lalawigan ng Aklan.
Batay sa pinakahuling record ng Aklan Provincial Epidemiology Surveillance and Response Unit ng Provincial Health Office (PHO), aabot na sa 4,679 ang naitalang kaso mula Enero 1 hanggang Agosto 24, 2019 kung saan nasa 19 ang nasawi.
Nasa 335% naman ang itinaas nito kung ikukumpara noong nakaraang taon.
Nangunguna pa rin sa talaan ng tanggapan na may pinakamaraming nagkasakit ng dengue ang bayan ng Kalibo na may 947 kaso; sinusundan ng Banga na naitala ang 442 kaso at pumangatlo ang New Washington na may 422 kaso.
Sa nasabing record, karamihan umano sa mga naisugod sa pagamutan ay may edad 11 hanggang 20-anyos na aabot sa 1,578; sinundan ng isa hanggang 10-anyos na naitala ang 1,487 at pumangatlo ang may edad 21 hanggang 30-anyos na umabot sa 882.
Samantala, muling nagpaalala ang PHO na panatilihing malinis ang paligid upang maiwasan ang pagdami ng lamok na maaaring magdadala ng virus na dengue.