-- Advertisements --

Nasa proseso na sa pagkuha ng swab samples ang PNP-Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa mga nagkalasog-lasog na katawan ng pinaniniwalaang suicide bomber para isailalim sa DNA testing.

Ayon kay PNP Spokesperson S/Supt. Bernard Banac, layon kasi ng DNA testing para matukoy ang pagkakakilanlan ng nakitang gutay-gutay na katawan sa blast site.

Sinabi ni Banac, matutukoy lamang kung anong nationality sa sandaling matapos na ang gagawing pag-examine ng kanilang mga eksperto sa PNP Crime Laboratory.

Inihayag din ni Banac na may mga indikasyon na ring natukoy ang Special Investigation Task Group na posibleng kagagawan ng suicide bomber ang pagsabog sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu dahil walang nakitang crater at paangat ang nangyaring pagsabog.

Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ipinauubaya na nila sa PNP-SOCO at Crime Lab ang gagawing eksaminasyon ukol sa mga nakitang gula-gulanit na katawan ng tao dahil walang kakayahan ang militar para tukuyin kung sino at anong nationality ang sabog-sabog na katawan.

Una nang sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na may nakitang kalahating mukha ng tao na hawak ngayon ng PNP SOCO na isasailalim sa DNA testing para matukoy kung sino at kung ito ba ay isang banyaga na siyang suicide bomber.