KALIBO, Aklan – All systems go na ang mga naglalakihang event sa Boracay para sa nalalapit na Love Boracay na dating LaBoracay sa Abril 26 hanggang Mayo 2, 2020.
Sa kalatas na ipinalabas ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group, napagkasunduan ng Department of Tourism, Department of Interior and Local Government, Malay-local government unit, at stakeholders sa isla, na muling magsasagawa ng Love Boracay upang mapalakas ang domestic tourism.
Kasunod ito ng pagbaba sa halos 50% ng international tourist arrivals sa isla dahil sa mabilis na pagkalat ng epidemya ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Idagdag pa rito ang travel ban na ipinatupad ng China at ang special administrative region, gayundin sa North Gyeongsang province kasama ang Daegu at Cheongdo County sa South Korea.
Ang mga Chinese at Koreans kasi ang siyang pangunahing source market ng Boracay.
Ilan sa mga nakalinyang event na patok tuwing tag-init ang Sabor Boracay o food festival, Paraw Regatta, Kite Flying Festival, Water Festival, Toy Boat Racing na gagawin sa nilinis na lawa at wetland sa isla, Island Wide Sale at iba pa.
Ang tema ngayong taon ng Love Boracay ay “Rediscover Local, Experience the New Boracay.”