Umapela ang ilang sektor na pangunahing naapektuhan ng matinding baha noong habagat na alisin na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa puwesto ang ilang matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa pa-amin nito na walang flood control master plan.
Ito sana ay para mapigilan ang pagbaha sa kalakhang Maynila at ibang parte ng bansa tuwing may malakas na ulan at bagyo.
Kabilang sa mga grupong nananawagan ng aksyon ay mga environmental advocates.
Para sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), hindi dapat ibato ang sisi sa pagtatapon ng basura dahil napakababaw na pananaw ang nasabing pahayag.
Dapat umanong ugatin ang suliranin at bigyan ng kongkretong aksyon.
“Blaming flood control structures and Filipinos for improperly throwing garbage is just surface-level analysis. These statements deflect attention from flattened mountains, denuded forests and reclaimed waters in the name of profits – some of the immediate and actionable causes of the floods,” pahayag ng CTUHR.
Ang panawagan nila ay kasunod ng pag-amin ni DPWH Secretary Manuel Bonoan sa isang Senate hearing na walang integrated national flood control plans ang ahensya samantalang may bilyon-bilyon pisong pondo ito para sa iba’t ibang infrastructure projects, kasama na rin ang flood control projects.
Hiniling na rin ng mga sektor na naapektuhan ng malawakang pagbaha nitong nakaraang lingo na magsagawa ng isang Senate investigation kung mayroong nagaganap na korapsyon sa nasabing ahensya dahil sa kapabayaan nito na mag-implementa ng isang flood control system sa Metro Manila at karatig bayan.
Inireklamo rin ng ilang grupo ang pag-kakatalaga ni DPWH assistant secretary Rey Peter Gilles bilang officer-in-charge Director ng Region X, kapalit ni Engr. Zenaida T. Tan na nag-retire. Si Gilles ay kasalukuyang DPWH Asst. Secretary for CAR, Regions I, II, IX, X, XI, XII at XIII.
Napag-alaman din na may nakalaaang pondo na mahighit isang bilyong piso para sa mga imprastrakturang gagawin sa nasabing mga rehiyon.
Ilang qualified government engineers naman ang karapat-dapat sa nasabing puwesto subalit isa lamang ang pinaburan dito na umano’y malapit na kaibigan ng mga matataas na opsiyal ng DPWH.
Ang ahensya ay may nakalaang P225 bilyon pisong pondo para sa 2024 national budget, kasama na rito ang pagsasagawa at pagkumpuni ng mga nasirang flood control projects sa bansa dulot ng mga malalakas na bagyo.
Sa isang senate hearing, inamin ng DPWH na wala pang 30 porsiyento na flood control project ang nakumpleto nito sa loob ng dalawang dekada.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi pa rin ni Bonoan na mahigit 5,000 flood control projects na ang naisagawa ng ahensya subalit hindi matukoy ang dahilan kung patuloy pa rin ang malawakang pagbaha sa National Capital Region, Bulacan at Pampanga.
Si DPWH undersecretary Robert Bernardo ay ang Flood Control project supervisor para sa NCR, at Central Luzon at si DPWH undersecretary Cathy Cabral naman na in-charge sa Planning and Public-Private Partnership Service ay isinisisi ang pagbaha sa mga basura na naiipon sa mga waterways.