-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na may katapat na parusa ang pagpapaputok ng firecrackers sa mga hayop, kahit sa paraan na katuwaan lamang.

Ayon kay Anna Cabrera, executive director ng PAWS, nakapagpakulong na sila ng apat katao, dahil sa paghagis ng paputok sa mga ito at iba pang pagmamaltrato.

Giit ni Cabrera, malinaw na paglabag ito sa batas na nakasaad sa Animal Welfare Act.

Kasabay nito, nanawagan din ang PAWS sa mga may alagang hayop na huwag iwanan sa labas ng bahay ang mga ito sa panahon ng maingay na pagsalubong sa bagong taon.

Maliban kasi sa nakakairita sa pandinig ng mga alaga natin ang mga pagsabog ng paputok at iba pang paingay, maaaring manganib din ang kanilang buhay sa usok na likha ng mga pulbura, kasama na ang mga nanggagaling sa mga pailaw.

Nabatid na sa ganitong panahon nakapagtatala ng maraming bilang ng mga hayop na naglalayas mula sa kanilang mga tagapag-alaga.

Karamihan umano sa mga ito ay dahil sa ingay at tensyon na likha ng pagsalubong sa bagong taon.