CAUAYAN CITY – Hiniling ng mga nagtitinda ng karne ng baboy sa pribadong pamilihan sa Cauayan City na imbestigahan ng pamahalaang lungsod ang ginagawang hoarding o ‘di kaya ay pang-iipit sa kanila ng kanilang supplier.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa mga nagtitinda ng baboy sa pribadong pamilihan na ayaw nang magpabanggit ng pangalan, hirap sila sa kanilang kalagayan dahil bukod sa matumal ang kanilang bentahan ay iniipit pa sila ng kanilang supplier.
Anila, kung mataas man ang presyo ng kanilang paninda ay dahil nakadepende rin sila sa presyo ng live weight.
Dagdag nila na kaya patuloy ang pagtaas ng presyo ng karne ng baboy ay dahil sa pabago-bagong presyo ng live weight ng baboy.
Naiintindihan naman nila ang law of supply and demand ngunit dapat ay may limitasyon din ito dahil kahit walang pagtaas sa presyo ng feeds o sa nagagastos ng kanilang pinagkukuhanan ay mataas pa rin ang ibinibigay na presyo ng live weight sa kanila.
Sa kabila nito ay wala namang magagawa ang mga tindera dahil wala naman silang ibang mapagkukunan ng baboy bunsod pa rin ng African Swine Fever (ASF).
Sinubukan na umano nilang idulog sa Sangguniang Panglunsod ng Cauayan ang kanilang problema ngunit ang naging tugon lamang ay wala silang magagawa dahil pribadong producer kanilang inirereklamo.
Ayon pa sa mga meat vendor sa pribadong pamilihan, nais man nilang ibaba ang presyo ng paninda nilang karne para abot kaya ng mga mamimili ngunit sila naman ang malulugi.
Sa ngayon ay nasa P300 ang bawat kilo ng karne ng baboy sa pamilihan.