Inaasahang papalo na umano sa 70% ang mga pamilyang nahandugan ng tulong pinansyal mula sa social amelioration program ng gobyerno.
Sa Laging Handa public briefing ngayong araw, sinabi ni DILG spokesman Usec. Jonathan Malaya na ngayong weekend ay aabot na raw sa 70% ng 18-milyong target families ang naabutan na ng ayuda.
Base kasi sa ulat mula sa DILG regional offices sa buong bansa, nasa 61% na ang nabigyan ng SAP assistance nitong Biyernes.
“Base sa report na nakalap natin sa DILG regional offices sa buong bansa, umabot na po [nitong Biyernes] nang 61 percent ang nabigyan na ng social amelioration program doon sa 18 million families. Mukhang pong gumaganda na ang distribution ng ating local government units nationwide,” wika ni Malaya.
Sinabi ni Malaya, kasama sa nasabing bilang ang hindi nakalista sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Bunsod nito, hinimok ng DILG ang lahat ng lokal na pamahalaan na seryosohin ang pamimigay ng emergency subsidy dahil hindi na magbibigay ng isa pang extension sina Interior Secretary Eduardo Año at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bago ito, pinalawig na ng DILG ang deadline ng distribusyon ng unang tranche ng cash aid hanggang Mayo 7 sa ilang lugar kasama ang Metro Manila Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Cebu City at Davao City.