-- Advertisements --
Screenshot 2021 02 06 10 05 44

DAVAO CITY – Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 11(PDEA-11) na mga anak umano ng kilalang mga pamilya sa lungsod ang dalawang suspek na nahuli sa isinagawang operasyon ng ahensiya.

Narekober ng mga otoridad ang P1 million halaga ng ecstasy o illegal party drugs sa El Rio Vista Village, Phase 4, Barangay 19-B nitong lungsod.

Una nang kinilala ni PDEA-11 director Antonio Rivera ang mga suspek na sina Christian Cajoles Sulla, 24 at pinsan nito na si Kenneth Cajoles, 19.

Nabatid na sa isinagawang operasyon, narekober sa kanilang posisyon ang 494 tablets ng ecstasy, isang gramo ng ketamine, 25 mga Lysergic Acid Diethylamide (LSD), isang gramo ng marijuana at mga drug paraphernalia.

Napag-alaman na nasasangkot ang mga ito sa pag-import ng illegal na droga lalo na ang ecstasy.

Sa isinagawang imbestigasyon ng otoridad, dalawang sets ng packages na may laman na party drugs na naka-address kay Sulla ang naharang ng otoridad.

Isa umano nito ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Disyembre sa nakaraang taon habang isang parcel naman ang naharang sa Philippine Postal Corporation sa nakaraang buwan.

Mula ng madiskobre ang illegal drugs, nakontrola na umano ng PDEA at ng iba pang law enforcement units ang delivery ng packages sa consignee.

Sinabi naman ni PDEA Legal Officer Lawyer Ben Tesiorna, na nahihirapan sila sa pag-trace kung saan nagmula ang parcels dahil wala itong pangalan na nakalagay bagkus lugar lamang kung saan ito nagmula.

Napag-alaman rin mula sa PDEA na unang beses umano silang nakapagsagawa ng operasyon na may kaugnayan sa ecstasy.

Kasalukuyan ngayon na nasa PDEA detention facility ang mga suspek ang nakatakdang sampahan ng kaso ngayong araw.