Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 229 ang mga kasong kriminal na isinampa laban kay dating Health Sec. Janette Garin at iba pang mga doktor dahil nabigo ang prosekusyon na magbigay ng sapat na ebidensya laban sa kanila.
Nabatid sa desisyon ng korte na ang mga testigo ng prosekusyon ay hindi umano tunay na eksperto para magbigay ng opinyon sa Dengvaxia.
“The prosecution evidence failed to establish a prima facie case against Demurrant Janette L. Garin and Demurrant Julius Lecciones. The evidence does not amount to proof beyond a reasonable doubt of any or all of the criminal charges against either or both of them,” bahagi ng resolusyon Presiding Judge Cleto R. Villacorta III.
Kaya naman ang lahat ng criminal charges laban sa mga akusado ay ganap na na-dismiss.
Mababasa rin sa desisyon na ang mga patotoo nina Dr. Clarito Cairo, Dr. Tony Leachon, at Dr. Erwin Erfe ay hindi tinatanggap ng hukuman.
Hindi naman naging kwalipikado sa Second Level Court si Dr. Erfe bilang isang eksperto na makapagbibigay ng opinyon sa dengue, Dengvaxia, at mga bakuna.
Ipinaliwanag ng korte na ang opinyon ng eksperto, upang tanggapin bilang ebidensya, ay dapat magmula sa isang mapagkakatiwalaan na may espesyal na kaalaman, kasanayan, o training.
Ito ay dapat na hinango gamit ang Scientific principles at methods.
Hindi rin dapat nakabatay sa sabi-sabi ang findings at ebidensya.
Bukod dito, sinabi rin ng Korte na hindi mapapatunayan na ang sanhi ng pagkamatay ng walong bata ay dahil sa Dengvaxia dahil bago ang pagbabakuna, ang mga batang ito ay may mga underlying conditions.
Paliwanag pa ng Korte, hindi nasunod ang immunization guidelines sa Dengvaxia na inisyu ng Department of Health (DOH), sa kabila ng malinaw sa mga tagubilin nito na magsagawa ng screening sa isang bata bago i- inoculate ang bakuna.
Gayundin, ayon sa mga patakaran, ang mga propesyonal sa kalusugan ang dapat na magsagawa ng pagbabakuna, sa kasong ito karamihan sa mga biktima ay inoculated ng mga manggagawa sa barangay na hindi awtorisadong gawin ito.
Kasunod ng pagbibigay ng demurrer to evidence kay Garin at iba pa, naghain ang prosekusyon ng Motion for Reconsideration (MR), gayunpaman, noong Agosto 20, 2024 tinanggihan ng Korte ang mosyon.
Ang iba pang mga kaso laban sa mga medical professionals ay tuluyan na ring ibinasura.