CAGAYAN DE ORO CITY – Tuluyan nang hindi mapapakinabangan ang humigit-kumulang 50 vials ng Sinovac vaccines na kabilang sana sa nailigtas mula sa nasunog na provincial health office ng Misamis Oriental.
Ito ay taliwas sa unang pahayag ng Bureau of Fire Protection na nagresponde sa nabanggit na sunog na na-retrieve nila ang nabanggit na bakuna at hindi nagkaroon ng indikasyon na may danyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Provincial Health Office chief Dr. Jerie Calingasan na bagama’t hindi nasunog ang mga bakuna subalit dahil nagmi-maintain ito ng temperatura ay naapektuhan na ang efficacy rate nito.
Inihayag ni Calingasan na kanila na itong ipinagbigay-alam sa tanggapan ng Department of Health-10 para sa posibilidad na ito ay mapalitan.
Natuklasan na sa nabanggit sana na mga bakuna ay mangggaling ang vial na gagamitin para maturukan na si Provincial Gov. “Bambi” Emano ngayong buwan.
Kung aaalala, magkakaroon din ng sariling imbestigasyon ang provincial government upang alamin kung ano ang sanhi ng sunog na tumupok sa tatlong gusali sa loob ng capitol compound noong Miyerkules ng gabi.