Aabot na sa halong isang daan ang mga naitalang kaso ng hand, foot and mouth disease sa lungsod ng Cebu at isa naman ang binawian ng buhay.
Inihayag ni City Health Officer Dr. Daisy Villa sa isang open forum, na nakakaalarma na umano ang bilang na ito.
Batay kasi sa pinakahuling data mula sa City Health Department, mayroon nang 92 kaso ng Hand Foot and Mouth Disease dito na kumalat sa 29 na barangay mula Enero hanggang Marso 11 ng taong kasalukuyan kumpara sa tatlo lamang sa parehong period noong nakaraang taon.
Nilinaw naman ni Villa na ang isang naitalang mortality ay incidental lamang dahil nagkaroon ito ng kumplikasyon sa pneumonia.
Sa mga naitala, pinakamaraming kaso ay ang Brgy. Kalunasan na nasa 20 at sinundan ng Brgy. Guadalupe na may 14 habang hindi pa ibinunyag ang iba pang datos.
Karamihan pa sa mga naapektuhan dito ay mga bata na may edad 10 taong gulang pababa ngunit mayroon din umanong tatlo na may edad 17 at 18 taong gulang.
Dahil dito, itinutulak ng health official na maging agresibo ang mga tauhan ng health department sa kanilang information dissemination campaign at sa pagtuturo sa mga magulang kung paano ito mapipigilan at haharapin.
Hinihikayat din ang mga magulang na may mga anak nagkaroon ng nasabing sakit na sumailalim muna sa isolation at wag munang payagang pumasok upang hindi makahawa at maiwasan ang pagkalat ng sakit sa mga paaralan.