LAOAG CITY – Maaaring ipagpatuloy ni dating US President Donald Trump ang kanyang mga nakahanay na aktibidad sa kabila ng nangyaring tangkang pagpatay sa kanya sa Pennsylvania, USA.
Ito ang inihayag ni Bombo International News Correspondent Henry Afaga, kung saan nakatutok ang mga dalawang political parties ng Amerika sa Pennsylvania kung saan isa ito sa mga estado na may malaking electoral votes na umaabot sa 19, sinusundan ng California, New York, Florida at Illinois.
Ayon sa kanya, hindi inilalayo ang usaping pulitika ang isa sa mga motibo sa nasabing pangyayari dahil na rin sa nalalapit na eleksyon sa Nobyembre sa naturang bansa.
Natukoy na rin umano ang suspek kung saan pinaniniwalaang supporter siya ng democrat at may matinding hinanakit sa dating presidente.
Samantala, sa kabila ng hidwaan sa pulitika ay nagpaabot na rin ng pagkondena si US President Joe Biden kung saan ang nasabing hakbang ay para rin maiwasan na lumala pa ang tensyon.
Matatandaan na kakaumpisa pa lamang ng campaign speech ni Trump sa Butler, Pennsylvania nang madaplisan ito ng bala ng baril sa kanyang kanang tainga habang nagresulta rin ito ng pagkasawi ng suspek at isa pang dumalo sa nasabing aktibidad.