CEBU CITY – Umabot na ngayon sa 6.8 million ang mga nakapagparehistro sa national ID sa buong Central Visayas ayon sa Philippine Statistics Authority-7.
Inihayag ni Regional Director Engr. Ariel Florendo, target nila na mairehistro ang 7 million na Pilipino sa rehiyon at sa kasalukuyan pa ay nasa 96% na sila.
Sa nasabing bilang, 4.2M ang nakapagparehistro sa Cebu; 1.2M sa Bohol ganun din sa Negros Oriental; habang 93,000 naman sa Siquijor.
Sinabi pa ni Florendo na maliban sa mobile registration kung saan kanilang pupuntahan ang malalayong barangay, epektibo din umano ang registration sites sa mga mall lalo na tuwing weekend.
Dagdag pa nito na positibo rin ang epekto ng kanilang isinagawang national ID on wheels sa kabila ng limitado ng kanilang sasakyan at patuloy pa itong isinagawa sa mga paaralan at maging sa mga establisyemento.
Ibinunyag pa ni Florendo na nung una ay mga 5 taong gulang pataas lamang ang mga pinarehistro ngunit kamakailan lang nang sinali nila sa pagpaparehistro ang mga batang may edad 1 hanggang 4 na taong gulang.
Hinimok naman nito ang mga magulang na magtungo sa mga registration center para iparehistro ang kanilang mga anak.
Bagama’t marami na ang nakapagparehistro sa rehiyon, pero nasa mahigit 4 million pa lamang ang inisyu habang 2.3 million ang inisyung mga printed na ePhil IDs.
Samantala, paalala pa ni Florendo sa publiko na magagamit na sa lahat ng transaksyon ang national ID at kung sakali mang may establisyementong hindi ito tatanggapin ay agad na i-report sa kanilang tanggapan kung saan maaari pang pagmumultahin ito ng P500,000.