Sinimulan na ng Department of Education ang paglabas sa mga nalumang laptop mula sa mga bodega nito para sa tuluyang distribusyon sa iba’t-ibang opisina nito.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Juan Edgardo Angara, mahigit 50% na ng mga laptop na nakatambak sa mga warehouse ng ahensiya ang nailabas habang ang iba ay patuloy pang inaayos para sa tuluyang pagdala sa iba’t-ibang lokasyon.
Hiningi na rin aniya ng DepEd ang tulong ng Philippine Air Force para maibiyahe ang mga ito tungo sa malalayong lugar habang ilang mga local government unit na rin ang nag-alok ng tulong para sa pagbibiyahe sa mga computer para maibigay na sa mga opisina ng DepEd at mga eskwelahan.
Una nang sinabi ni Sec. Angara na humigit-kumulang 1.5 million unit ng mga laptop at iba pang mga kagamitan ang nakatambak lamang sa bodega nito.
Ang mga ito ay mula pa noong panahon ni dating Secretary Leonor Briones noong 2020 hanggang 2021.
Ayon sa kalihim, kailangang madaliin na ang distribusyon ng mga naturang laptop dahil sa mayroong lifespan ang mga ito. Dahil sa matagal na panahong naimbak aniya ang mga ito sa bodega, maaaring malagpasan na ang lifespan.
Aminado rin ang kalihim na ang mga naturang laptop ay pawang mga ‘outdated’ na ngunit gumawa aniya ng paraan ang Information and Technology team ng DepEd upang magamit pa ang mga ito.