KALIBO, Aklan—Nababahala ang barangay council ng Manocmanoc, Boracay sa kalusugan ng mga residente dahil sa problema sa basura.
Ito ay matapos na makansela ang klase ng isang paaralan malapit sa centralize Material Recovery Facility (MRF) dahil sa hindi na makayanan ang mabahong amoy mula sa nabubulok na mga basura na nagresulta sa pagsusuka ng ilang estudyante.
Ayon kay punong barangay Nixon Sualog, walang ginawang hakbang ang ECOS Sanitary Landfill and Waste Management Corporation kasunod sa ilang kadahilanan na sira ang sasakyang humahakot ng basura patawid sa mainland Malay.
Kaugnay nito, nais nang opisyal na ipakansela ang kontrata sa gitna ng ECOS at LGU dahil on-time naman ang pagbabayad sa kanila.
Masyado na aniyang naperwisyo ang kaniyang mamamayan at nababahala sa kanilang kalusugan.
Dagdag pa ng punong barangay na hindi na nila kakayanin sakaling maipasara ulit ang Boracay dahil sa kagagawan ng ECOS na siyang nakakontrata upang humakot ng basura mula sa MRF patawid sa sanitary landfill sa mainland Malay.