Umabot sa mahigit 2,000 runners ang nakiisa sa ikalawang bahagi ng “Takbo Para sa West Philippine Sea” kahapon, Agosto 11, sa lungsod ng Cebu.
Layon pa ng aktibidad na suportahan ang panawagan para sa pagsugpo sa paglaganap ng maling impormasyon tungkol sa West Philippine Sea (WPS) at muling pagsiklab ng pagiging makabayan sa mga Pilipino.
Lumahok sa advocacy run ang mga uniformed personnel mula sa iba’t ibang ahensya, na pinangunahan ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela.
Ang mga runner ay lumahok sa apat na kategorya kabilang ang 16k, 10k, 5k, at 2k.
Sa kanyang mensahe, nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat si Tarriela sa lahat ng mga lumahok.
Nagpapakita lang aniya ito na ang laban sa West Philippine Sea at tinitindigan ng lahat mula Luzon hanggang Visayas.
Idinagdag pa nito na ang maagang paggising para tumakbo ay pagpapakita lang din ng suporta at isang paraan na rin ng pagtulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na tindigan at suportahan ang laban sa West Philippine Sea.