MGA NAKUMPISKANG DROGA SA BOHOL NGAYONG TAON, PUMALO NA SA MAHIGIT P155M; Drug-cleared barangay, nasa 65.46%
Pumalo na sa mahigit P155 million pesos na halaga ng drogang nasabat ng mga otoridad sa ikinasang operasyon sa lalawigan ng Bohol mula Enero hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon.
Inihayag ni PLt Col Norman Nuez, public information officer ng Bohol Police Provincial Office, sinabi nitong sa kanilang isinagawang 576 na operasyon, 613 na drug personalities ang nahuli at nakumpiska ang 23.59 na kilo ng iligal na droga sa parehong period.
Ayon kay Nuez na kung ikukumpara sa nakalipas na tatlong taon, mas maraming droga ang nakumpiska ngayon.
Sa taong 2021 pa aniya ay 3.4 kilo ng droga ang nasabat na tinatayang nagkakahalaga ng P23.1 million pesos; taong 2022 na may 3.8 kilo ng shabu ang nakumpiska na may tinatayang halaga na umabot sa mahigit P26 million pesos habang noong nakaraang taon ay 14.1 kilo ng shabu ang nasabat na nagkakahalaga ng mahigit P96 million pesos.
Aniya, ang pagkasabat ng maraming droga ngayong taon ay resulta pa sa kanilang mas dobleng pagsisikap na kampanya laban sa iligal na droga.
Ibinunyag pa nito na taong 2016 nang makapagtala sila ng mahigit 39,000 drug personalities sa lalawigan ngunit sa ngayon aniya ay mayroon pa ring natitirang 13,000 na indibidwal na hindi pa sumailalim sa rehabilitation program.
Samantala, batay sa kanilang datos as of September 25 ngayong taon, nasa 726 o katumbas ng 65.46% ang kabuuang drug-cleared barangay sa lalawigan habang nasa 17 naman ang drug-free barangays.
Binigyang-diin pa nito na ang iligal na droga ay hindi lamang problema sa pisikal at social kundi maging sa pag-iisip.