KALIBO, Aklan – Sa gitna ng banta ng African swine fever (ASF), umaabot na sa mahigit sa 170 kilo na sari-saring misdeclared na karne at iba pang meat products ang nakumpiska sa Kalibo International Airport simula pa noong Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon.
Kagabi ay panibagong 13 kilo ng meat products ang tinangkang ipuslit sa paliparan ng mga pasahero na galing sa China at South Korea.
Ayon kay Dr. Christine Lyn Melgarejo, Veterinarian Quarantine Officer ng Bureau of Animal Industry na hindi umano ito idineklara ng mga pasahero sa kanilang mga bagahe at nadiskubre lamang ng idaan sa scanning ng x-ray machine.
Noong Hunyo 7, sinaksihan ni Provincial Veterinarian Dr. Mabel Siñel at iba pang tauhan ng OPVET ang pagsunog sa mga nakumpiskang karne at iba pang meat products noong nakaraang mga araw sa Kalibo dump site.