Kinumpirma ngayon ng Bureau of Customs (BoC) na ang mga nakumpiska kamakailan na mga smuggled agricultural products na nagkakahalaga ng P101.6 million na nakalagay sa 17 shipments sa Manila International Container Port (MICP) ay mula sa bansang China.
Sa isang statement sinabi ng BoC na karamihan sa mga containers ay mula sa bansang China.
Naglalaman daw ang mga ito ng misdeclared at undeclared items gaya ng pula at puting sibuyas, mushroom balls at asukal.
Ito ang nadiskubre sa serye ng physical examinations noong nakaraang buwan.
Ang naturang mga shipment ay dumating sa Manila port mula Disyembre 29, 2022 hanggang Pebrero 12 ngayong taon.
Tiniyak naman ni Juvymax Uy, deputy commissioner for Intelligence na habang hindi pa tapos ang kanilang isinasagawang examination sa lahat ng suspected containers ay sinisilip na raw nila ang nasa likod ng iligal na operasyon.
Ang Alert Orders sa naturang mga kargamento ay inisyu naman ni Director Verne Enciso ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) matapos makatanggap ito ng “derogatory information” kaugnay ng laman ng mga containers.
Idineklara daw kasi ang mga itong pizza dough, shabu-shabu balls gaya ng fish balls at ilang pneumatic tools.
Pero nang buksan ang 22 containers ay dito na tumambad ang ilang agricultural products gaya ng asukal at sibuyas.