-- Advertisements --
Lorenzana
DND Sec. Delfin Lorenzana

VIGAN CITY – Ipinag-utos na umano ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa kapulisan sa Mindanao na dalhin sa mga pinakamalapit na evacuation center ang mga residenteng naapektuhan ng lindol sa Mindanao noong nakaraang linggo upang mabigyan ng tulong.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesman Mark Timbal na isa umano ang nasabing hakbang sa mga natalakay sa pagpupulong ng NDRRMC response cluster nitong Lunes ng umaga hinggil sa relief operations sa Mindanao region.

Ipinaliwanag ni Timbal na ang distribution umano ng mga relief packs ay isinasagawa sa mga evacuation center o sa mga barangay at sapat ang mga ibinibigay na relief support sa mga internally displaced persons kung kaya’t nakakapagtaka na mayroong mga residente na tila namamalimos sa gilid ng mga kalsada sa Mindanao, lalo na sa Makilala, North Cotabato.

Ayon pa sa opisyal, lahat umano ng mga residenteng naapektuhan ng lindol ay nakarehistro sa kanilang mga local counterparts upang masiguro na lahat ay nabibigyan ng tulong.

Hinggil dito, hinala ng opisyal na maaaring hindi kuntento sa mga relief support na natatanggap sa mga evacuation center ang mga residenteng nasa gilid ng mga kalsada at nagpapatulong o di kaya naman ay talagang ayaw nilang pumunta sa mga evacuation center.