-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagpaalala ang Baguio City Social Welfare and Development Office (CSWDO) hinggil sa mga namamalimos dito sa lunsod ngayong dumating na ang “ber” months.

Pinayuhan ni Betty Fang-asan, pinuno ng opisina, ang publiko na huwag mamigay sa mga namamalimos dahil masasanay lamang ang mga ito.

Ipinaliwanag niya na ipinagbabawal ng batas ang pagpapalimos at magiging tamad lamang ang mga namamalimos kung mayroong namimigay sa kanila.

Iminungkahi ng opisyal sa publiko na kapag mayroon silang nakitang namamalimos ay agad itong ipagbigay-alam sa kanilang opisina.

Sinabi pa niya na hindi naman masamang tumulong sa mga nangangailangan ngunit kailangan itong dumaan sa tamang proseso.

Ayon sa CSWDO, kapag ber months ay lalong dumarami ang mga namamalimos sa Baguio City mula sa iba’t-ibang tribu gaya na lamang ng mga bata at matatandang Badjao.