Hindi mahulugang karayom sa patuloy na pagdagsa ng mga deboto sa Antipolo Cathedral o mas kilala rin bilang Our Lady of Peace and Good Voyage Church sa Antipolo City.
Hindi nila ininda ang sobrang init ng panahon para lang maipagpatuloy ang matagal na nilang panata tuwing Semana Santa.
Simula pa raw kagabi ay naglakad na sila patungo sa simbahan upang dumalo sa misa kung saan karamihan sa mga deboto ay nanggaling pa sa iba’t ibang lugar tulad ng Cavite, Laguna, at Bulacan.
Ang Antipolo Church ay isa sa pinaka sikat na destinasyon o puntahan ng mga deboto upang isakatuparan ang kanilang taunang pamamanata. Dito ay may pagkakataon din silang mahawakan ang imahe ng Mahal na Birhen na halos mahigit 300 taon na.
Sa labas naman ng simbahan ay makikita ang mga nagtitinda ng pagkain, tubig at pati na rin ng mga relihiyosong imahe.
Inaasahan pa rin ng mga otoridad na magiging triple pa ang bilang ng mga deboto na magpupunta dito lalo na sa Linggo o araw ng pagkabuhay.
Patuloy na pakiusap naman ng simbahan para sa mga deboto na panatilihing malinis ang kanilang paligid at alinsunod na rin sa mensahe ni Cardinal Tagle sa kanyang misa kaninang umaga ay ialay ng mga tao ang semana santa para gunitain ang pagligtas ni Hesus sa sanlibutan mula sa ating kasalanan at hindi lang para mag picture at ipost sa kani-kanilang mga social media.