Winners ng grand float competition ng Panagbenga 2019, inihayag na
BAGUIO CITY – Inihayag na ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang mga winners sa ginanap na Grand Float Competition ng Panagbenga 2019.
Nakamit ng environment-friendly float ng M Lhuillier ang first place sa big float category kung saan makakatanggap ito ng P500,000.
Ang pumangalawa sa kompetisyon ay ang entry ng Sitel PH Corporation, na makakatanggap ng P300,000 habang ang at third place na entry naman ng Generika ay makakatanggap ng P200,000.
Tinawag na “The Garden of Opportunity” ang disenyo ng nanalong float kung saan tampok ang isang unicorn na gawa ng sariwang cut flowers at sinakyan nina celebrity couple Melai Cantiveros at Jason Francisco.
Samantala, sa small float category, nagwagi ang entry ng Taloy Farmers Multi-Purpose Cooperative ng Tuba, Benguet at makakatanggap ito ng P200,000.
Pumangalawa rito ang environment-friendly float ng Igorot Treasure na gawa sa mga bulaklak, mga gulay at recyclable materials at makakatanggap ng P150,000.
Kinilala naman bilang third place sa kompetisyon ang entry ng Lubao International Balloon and Music Festival ng Pampanga na makakatanggap naman ng P100,000.