Dapat panagutin pa rin ang mga kandidatong nanalo sa halalan na kabilang sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay House Dangerous Drugs Committee chairman Robert Ace Barbers, dapat masampahan ng kaso ang mga kandidatong ito sa lalong madaling panahon.
Ito’y lalo pa aniya kung mayroon namang mga ebidensya na magpapatunay sa mga alegasyon na kanilang kinakaharap.
Marapat pa rin aniyang habulin ang mga kandidatong sangkot sa iligal na droga at hindi basta matapos lamang ang kanilang pananagutan sa kanilang pagkapanalo sa 2019 midterm elections.
Sa oras naman na mapatunayang guilty ay dapat na hindi na rin daw pahintulutan ang mga ito na manatili sa puwesto.
Nangangamba ang kongresista na gamitin lamang ng mga narco-officials na mga ito ang kanilang puwesto para sa kanilang pansariling interes.