-- Advertisements --

NAGA CITY – Pinaniniwalaan na ang mga taong nangunguha ng pulot-pukyutan ang nasa likod ng nangyaring forest fire sa Mt. Isarog na sakop ng boundary ng Calabanga at Panicuason, Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Fire C/Insp. Emmanuel Ricafort, fire marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Naga, sinabi nitong posibleng may mga taong nagsunog ng mga damo para makakuha ng pulot-pukyutan kaya nauwi sa forest fire.

Posible aniyang napabayaan ng mga ito ang kanilang sinunog na mga damo kaya mabilis na kumalat ang apoy.

Ayon kay Ricafort, tumagal ng mahigit apat na oras ang kanilang operasyon katuwang ang Public Safety Office (PSO) bago tuluyang naideklarang fireout ang lugar.

Halos isang ektarya ng lupa sa naturang bundok ang napinsala nang dahil sa forest fire.

Ang Mt. Isarog ang isa sa mga dinarayong lugar sa Naga City at Camarines Sur dahil sa magagandang falls na makikita rito.