Umakyat na sa 326 ang bilang ng mga napaulat na nasawi dahil sa Bagyong Odette ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Galing ang mga ito sa lalawigan ng Palawan, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Cebu, Bohol, Negros Oriental, Bukidnon, Misamis Occidental at Oriental, Butuan City at Agusan Del Sur.
Maliban dito, nakapagtala rin sila ng 659 napaulat na nasaktan at 54 na nawawala.
Ipinaliwanag naman ng NDRRMC na 14 pa lang sa naturang bilang ang kumpirmadong nasawi.
Bineberipika pa kasi nila kung may kinalaman sa Bagyo ang pagkasawi ng iba.
Mahigit 630,000 katao naman ang na displaced dahil sa hagupit ni Odette.
Nasa 273 na mga bayan at siyudad ang nawalan ng kuryente, subalit 149 sa mga ito ay may kuryente na ngayon.
Samantala, bilang tugon sa kakulangan ng tubig sa mga lugar na lubhang sinalanta ng Bagyong Odette nagpadala na ng treatment facilities ang pamahalaan.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, nagpadala na ng tulong ang mga kaalyadong bansa ng Pilipinas at maging ang ilang mga private companies nagpadala din ng kanilang water treatment facilities para magamit at matulungan ang ating mga kababayan na hirap makakuha ng tubig na maiinom.