Nagbabala ang state weather bureau sa mga komunidad partikular na ang mga nasa mabababa at baybaying lugar sa mga probinsiya sa Cagayan, Isabela, Ilocos Norte at Ilocos Sur dahil sa storm surges dahil sa super typhoon Egay.
Inaabisuhan ang mga residente sa mga lugar na ito na lumikas at kanselahin muna ang lahat ng maritime activities.
Ayon sa kay weather specialist Lorenzo Moron, mataas ang panganib ng super typhoon at maaaring ikumpara ito sa bagyong Ompong noong 2018 pagdating sa epekto at posibleng mahigitan pa dahil nasa super typhoon category ito.
Una rito, ilang mga lugar na sa Cagayan at Isabela ang inilagay sa red storm surge warning kung saan ang storm surge na mahigit 3 metro ay maaaring magdulot ng pinsala sa coastal at marine infrastructure.
Samantala ang mga coastal area naman sa Batanes, Ilocos Norte, Ilocos Sur at iba pang bahagi ng Cagayan ay inilagay na sa orange storm surge warning, ibig sabihin ang storm surge ay maaaring umabot pa sa taas na 1.2 hanggang 3 metro.