Iginiit ng Iran na kahina-hinala umano ang mga rocket attacks kamakailan laban sa mga posisyon ng Estados Unidos sa Iraq at kinakailangang matukoy kung sino ang nasa likod nito.
Pahayag ito ng Iran kasunod ng naging pulong ni Iran Foreign Minister Mohammad Javad Zarif at ng kanyang Iraqi counterpart na si Fuad Hussein sa Tehran.
Ayon kay Zarif, posible umanong layon ng serye ng mga pag-atake na sirain ang relasyon ng kanilang bansa sa Iraq.
“We emphasize on the necessity of action by the Iraqi government to identify the perpetrators of these incidents,” saad ni Zarif.
Sa panig naman ni Hussein, tiniyak nito kay Zarid na hindi hahayaan ng Baghdad na magkaroon ng lamat ang relasyon nila sa Tehran dahil sa naturang mga insidente.
Tinarget ng serye ng mga rocket ang Green Zone sa Baghdad, kung saan nakabase ang Estados Unidos at iba pang mga embahada.
Sinisi ng US ang pro-Iran factions na kumikilos sa ilalim ng Hashd al-Shaabi paramilitary forces na bahagi ng security apparatus ng Iraq.
Bilang tugon, noong Huwebes ay naglunsad ang US ng mga air raid sa mga pasilidad sa eastern Syria malapit sa border sa Iraq na ginagamit ng mga Iran-backed militia.
Tumanggi naman ang Iran na may kinalaman sila sa pangyayari. (Al Jazeera)