-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Naniniwala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na isang kulto ang nasa likod ng momo challenge.

Sinabi ni DICT Asec. Allan Cabanlong, ito ay dahil sa wala namang pakinabang ang mga nasa likod nito sa kanilang ginagawa na nanghihikayat sa mga kabataan na saktan ang kanilang mga sarili hanggang sa magpakamatay.

Sinabi ni Cabanlong na nagsasagawa na sila ng technical monitoring at investigation sa mga nasa likod ng momo challenge bagama’t aminado siya na mahirap na i-block ang nasabing online app.

Pinapayuhan din niya ang mga magulang na bantayan ang mga aktibidad ng kanilang mga anak sa internet dahil ang target ng nasa likod ng challenge ay mga kabataan.

Sa” momo challenge,” may pinapagawa na 50 tasks na kailangan na tapusin ng 50 araw at ang mga hindi susunod ay pinagbabantaan na papatayin o ang kanyang mga magulang.

Ilan sa mga ipinapagawa sa challenge ay ang pananakit sa sarili at sa kapwa at ang pinakahuli ay ang pagpapatiwakal.