-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Iniimbestigahan na ng 6th Infantry Division Philippine Army kasama ang PNP at iba pang law enforcement agencies kung anong grupo o sinong mga indibidwal ang responsable sa pagpapasabog ng isang improvised explosive device sa Brgy. Poblacion Shariff Aguak, Maguindanao.

Una nito, inihayag sa Bombo Radyo Koronadal ni 6th ID spokesperson Major Homer Estolas na bigla na umanong sumabog ang isang IED na ipinasok sa utility box ng isang motorisklo na itinabi lamang sa isang internet cafe nitong Linggo ng umaga.

Mapalad namang walang nasugatan o nasawi sa naturang insidente.

Inaalam na ng mga otoridad kung ano ang motibo o target sa panibagong insidente ng pagpapasabog ng bomba.

Sa kabila nito, tiniyak ng opisyal na ginagawa nila ang kanilang makakaya upang masawata ang paghasik ng karahasan ng mga terror group at masiguro ang kapayapaan sa Central Mindanao.

Nabatid na nakumpiska rin ng 6th ID sa pamamagitan ng 57th Infantry Battalion ang mga IED paraphernalia at war materials sa bahagi ng Barangay Inadalan, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.