-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mananagot ang mga indibidwal na nasa likod ng pananabotahe sa war on drugs sa ilalim ng Duterte government.

Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, walang balak ang liderato ng PNP na i-tolerate ang ilan nilang mga kabaro na tila sinasabotahe ang kanilang kampanya kontra droga.

Sinabi ni Carlos na batay sa mga nakukuha nilang report, tila mula sa kanilang hanay ang mga sumasabotahe.

Pahayag ni Carlos na bina-validate pa nila ang impormasyong kanilang nakukuha tungkol sa isyu at kasalukuyang naghahanap ng mga ebidensiya laban sa mga tauhan nilang nasa likod ng mga pananabotahe.

Aalamin aniya ng pambansang pulisya ang mga anggulo sa mga kaso ng pagpatay, kung isolated ba ito o pakawala mismo ng kanilang mga tauhan.

Tiniyak ni Carlos na sa oras na matapos nila ang report hinggil sa isyu ng pananabotahe, kanilang ilalantad ito sa publiko ang mga pangalan ng mga sangkot at papanagutin sa kanilang mga ginawa.