-- Advertisements --
BOC

Iniulat ng Bureau of Customs na umabot na sa mahigit P31-B na halaga ng smuggled products ang nasabat nito ngayong taon.

Ito ang inihayag ng naturang kagawaran kasunod ng kanilang isinasagawang mga operasyon ngayon sa mga bodega sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na nag iimbak ng mga smuggled na produkto.

Ayon kay BOC Director Verne Enciso, batay sa kanilang pinakahuling datos ay pumalo na sa kabuuang Php31.5-billion na halaga ng iba’t-ibang hindi dokumentadong produkto ang kanilang nasasamsam ngayong taon.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng mga produktong pang-agrikultura, sigarilyo, droga, at iba pa.

Ayon pa sa opisyal, sa sektor pa lang ng agrikultura ay nakasamsam na ang BOC ng nagkakahalagang Php3.3-billion na smuggled rice at iba pang agricultural products.

Kung kaya’t ang naturang kabuuang halaga ay ang maituturing na pinakamataas na bilang ng mga undocumented products na kanilang nakumpiska lalo na’t hindi pa natatapos ngayon ang taong 2023.

Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ni BOC Director Verne Enciso na magpapatuloy ang kanilang ahensya na mag-inspeksyon sa mga bodegang pinaghihinalaang nagho-hoard, at nagtatago ng mga smuggled rice alinsunod na rin sa Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.